GIYAGIS

May dapithapong sasadsad na lamang
sa pampang ng buhay
na parang di-mawaring luwal ng dagat
ang lahat ng nalikhang alaala.

Dinig ng mga pobreng taingang
layag-layag ng taksil na hangin
ang tabsing sa dalampasigan, ang malutong
na sampal ng tubig sa batuhan.

Nakamamanghang
lasang-lasa pa rin ng napasong dila
ang nalalabing alat ng papalubog,
papalabnaw,
papatabang
nang bumulubok ngunit ngayo’y aandap-andap
na sandali.

Di-kataka-takang
nagpupumilit pa ring balikatin
ang isang katawang dinaganan
ng isang malawak at malalim na dagat.

Maski hanggang doon sa daungan sana,
kung saan naipon ang maraming
tinalikuran,
sinalubong,
at kusang pinaanod
na mga binahurang pangarap.

Kung may pagkagat man
sa nakangangaligkig na buhanginang
nagputik,
nagburak,
nagsangsang
ang bawat hakbang
ng isang araw,
asahan na, tulad ng mga tusong alon ng dagat
na may pahalik-halik pa
sa dalampasigan,
makauuwi rin
sa nararapat uwian ang lahat.

Kahit pa ilan lamang
ang tunay
at nararapat
na makabalik.

Dahil, kung tutuusin,
ngayong lamang ginabi
nang ganito
sa pag-uwi
ang buwan at ang mga bituin.